Sa anino ng kahapon
nasa anino man ako nitong aking kahapon
ay lagi kong pinagbubutihan ang bawat ngayon
sinasabuhay ang angking prinsipyo't nilalayon
samutsaring paksa'y inaaral at sinusunson
gawin ang bawat ibig ng minumutyang diwata
kathain ang pagsintang nilalabanan ang sigwa
idarang pa natin sa apoy ang espadang katha
upang pumutol sa ulo ng gahamang kuhila
nagsisiksik pa rin sa bote ng sanlaksang plastik
nag-aalay sa diwata ng rosas na may tinik
habang tinatahak ang sangandaang anong tarik
at laman ng kalooban ay agad isatitik
oo, di ko makikita ang anino sa dilim
kundi doon sa liwanag na tumagos sa lilim
anino'y natanaw kong naroroong naninimdim
hanggang sa kami'y abutan ng bunying takipsilim
- gregoriovbituinjr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento