isang lugar sa Mabini, Batangas ang Anilao
na marahil ipinangalan sa punong anilaw
iniisip ko ngang makita rin ito't madalaw
di lang ang lugar kundi ang punong ito'y matanaw
ang anilaw ay kabilang sa katutubong puno
na marahil nanganganib na rin itong maglaho
sana'y muling magtanim nito ng buong pagsuyo
alagaang mabuti hanggang tuluyang lumago
punong ito'y tumataas ng dalawampung metro
diyametro nito'y nasa tatlumpung sentimetro
magagamit sa konstruksyon ang mga kahoy nito
mapagkukunan ng pulang tina ang balat nito
bulaklak ay manilaw-nilaw o mamula-mula
isang sentrimetro yaong haba ng tuyong bunga
mabilis tumubo sa mapagpalang magsasaka
mamadling at mamaued ang ibang katawagan pa
magtipon tayo ng binhi nito't ating itanim
magbunga't magamit ang kahoy na nagbigay-lilim
sa ating bukangliwayway bulaklay pa'y masimsim
mapalago umabot man tayo sa takipsilim
- gregoriovbituinjr.
* bahagi ng planong koleksyon ng tula ng ABC of Philippine Native Trees
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento