mag-iikot at mamumulot muli ng basura
upang gawing ekobrik yaong plastik na makuha
ito ang ginagawa habang trabaho'y wala pa
di pa makaluwas para sa trabahong nakita
hangga't naririto pa sa sementeryong tahimik
mageekobrik muna't pupulot ng mga plastik
tulong na rin sa kalikasang panay ang paghibik
at mageekobrik akong walang patumpik-tumpik
kahit sa madaling araw, ako'y gupit ng gupit
gawa sa nalalabi kong buhay paulit-ulit
sayang man ang buhay sa sementeryong anong lupit
kampanya laban sa plastik ay di ipagkakait
kahit sa ekobrik, nais kong maging produktibo
gawa ng gawa, wala naman akong naperwisyo
mangangalkal muli ng basura doon at dito
ganito na ba ang buhay na kinakaharap ko
ito na ba ang repleksyon ng pagsisilbi sa bayan
magekobrik hangga't nasa malayong lalawigan
kwarantina'y talagang perwisyo sa kalusugan
na malaki ang epekto sa puso, diwa't tiyan
- gregoriovbituinjr.
mga plastik na naipon at ginupit ko, nakalatag muna habang pinatutuyo |
mga ekobrik na nagawa, sa isang organisasyong napuntahan ko |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento