Miyerkules, Marso 18, 2020

Salamat sa alkohol

SALAMAT SA ALKOHOL

nagkakaubusan na ng nabibiling alkohol
sa mga tindahan, sa botika, grocery at mall
pinakyaw ng maypera nang walang kagatul-gatol
habang ang iba'y naubusan na't di nakahabol

pagkat pananggol ang alkohol sa banta ng COVID
subalit ang mga namakyaw ay mistulang ganid
na di naisip ang kapwa't kababayang kapatid
isip ay sarili sa problemang salot ang hatid

dapat lumikha pa rin ng alkohol sa pabrika
ngunit doblehin ang sahod ng manggagawa nila
alkohol nga'y kailangang-kailangan ng masa
huwag lang pagtubuan, bagkus itindang mas mura

O, alkohol, ikaw ang una upang sansalain
ang bantang salot ngayong panahon ng COVID-19
kayraming mikrobyo sa mundong dapat mong durugin
tunay kang bayaning dapat pasalamatan namin

- gregbituinjr.
03.18.2020

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento