Linggo, Agosto 2, 2015

Sa huling SONA


SA HULING SONA
10 pantig bawat taludtod

maganda ang kanyang huling SONA
at huwag mo sabihin sa masa
ang talumpating kaiga-igaya
na iyon ay para sa burgesya
lalo sa mga kapitalista

pagmasdan mo ang buhay ng madla
pati na ekonomya ng bansa
lalo na buhay ng manggagawa
sa bayang laksa-laksa ang dukha
diyata't umunlad nga ang bansa

naroon sa samutsaring hamon
sa obrero'y kontraktwalisasyon
sa dukhang batbat ng demolisyon
kurakot dito, kurakot doon
sa maraming isyu'y naroroon

basahin ang ulat niyang gawa
pakinggan mo ang bawat salita
na Boss pa rin niya yaong madla
huwag mong sabihin sa kuhila
sa huling SONA'y walang napala

ngayon, pakibasa mula sa baba pataas