Martes, Mayo 15, 2012

Pultaym at Pagdiga

PULTAYM AT PAGDIGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kami ni Jen ay matagal nang magkakilala
pultaym ako't may trabaho siya sa pabrika
pultaym akong ang pinapangarap lang ay siya
ngunit pultaym na walang alawans, walang pera

kaya paano ko siya mahahatid-sundo
ang kalagayan ko ngayon ay sadyang kaylabo
sa nangyayaring ito, puso ko'y nagdurugo
gayunman, ako'y taong di marunong sumuko

nasa isip ko'y laging paano didiskarte
saan kaya ako kukuha ng pamasahe
bente pesos nga na load ay di ko pa mabili
ngunit nais kong magtagumpay at maging kami

ayokong gamiting tulay ang mga kasama
gusto ko'y diskarte ko lang ang diga sa kanya
tumulong na lang sila paano magkapera
ang tulad kong pultaym upang mapuntahan siya

sa panliligaw, kailangan din ng salapi
di pulos pag-ibig ang sa labi'y mamutawi
dapat tustusan kung nais magtanim ng binhi
mahirap ang walang bigas, di ka mapipili

minsan, nag-aplay ako ng part-taym na trabaho
tagalikha ng krosword sa isang bagong dyaryo
singkwenta pesos nga lamang ngunit tinanggap ko
basta't magkapera lamang at merong panggasto

ngunit umayaw din ang editor bandang huli
nang malaman niyang ako'y laging nasa rali
bigo na naman ako't di muling mapakali
maghahanap muli ng panibagong diskarte

sa mga pultaym, isa ako sa nagsisipag
ngunit buhay ng pultaym ay talaga ngang hungkag
sa pang-araw-araw tila ba walang kalasag
kaya pagdating ng krisis ay pupusag-pusag

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento