Linggo, Enero 17, 2010

Di ako susuko sa laban

DI AKO SUSUKO SA LABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nang tinanggap ko ang ganitong buhay
alam kong isang paa'y nasa hukay
sakripisyo, pawis, buhay ang alay
tinanggap ko ito hanggang mamatay

di ako susuko sa labang ito
hanggang pagbabago'y ating matamo
tatanganan ko ang ating prinsipyo
sa anumang laban handa na ako

kung ako'y masukol ay nangangako
lalaban sa huling patak ng dugo
pagkat nakakahiya ang pagsuko
sa dignidad nga'y nakapanlulumo

di ko isusuko itong prinsipyo
ako'y lalabang sabayan ng todo
lalaban kahit maging bangkay ako
pagsuko'y wala sa bokabularyo

mamatamisin ko pa ang mamatay
kaysa sa kahihiyan ay mabuhay
mabuti pang tanghalin akong bangkay
basta't dangal ko'y manatiling tunay

Nasaan ka na, manggagawa?

NASAAN KA NA, MANGGAGAWA?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

dapat ang uring manggagawa ngayon
ang ating gabay sa wastong direksyon
pagkat sila ang may tangan ng misyon
tungo sa tagumpay ng rebolusyon

ngunit nasaan ka na, manggagawa
maaasahan ka pa ba ng dukha
upang mapawi ang pagkadalita
ng mga inaping masa sa bansa

at sa buong daigdig pagkat ikaw
ang may tangan ng hudyat ng batingaw
upang simulan sa madaling araw
ang pagkawasak ng mga halimaw

na patuloy ang pagyurak sa ating
dangal, pagkatao, asal at galing
dapat lipunan ay palitan natin
lipunang walang aapi-apihin

manggagawa, aasa pa ba kami
na sa mga dukha'y aming kakampi
ilang lider-obrerong magsasabi
kauri, di tayo magpapaapi

paano na kaya kung wala ka na
ikaw pa ba'y meron pang ibubuga
gumising ka't lakas mo'y ipakita
na ikaw pa ang pag-asa ng masa

talagang marami pang dapat gawin
nang sistemang bulok ay baligtarin
tinig ng manggagawa'y dapat dinggin
ng kapwa obrerong kapatid natin

dapat magkaisa na ang obrero
tungo sa kaisipang sosyalismo
mag-organisa't ibagsak ng todo
itong daigdigang kapitalismo

Mga Guro sa Tulay ng Mendiola

MGA GURO SA TULAY NG MENDIOLA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

minulat ako ng maraming guro
sa kanilang mapagpalayang turo
bakit ba may iilang maluluho
habang mas nakararami'y tuliro

naririyan ang lider-manggagawa
kababaihan, kabataan, dukha
magsasaka at iba pang may luha
na sistemang bulok ang sinusumpa

sa pagtatalumpati'y kayhuhusay
kahit di nakapag-aral ng tunay
ang pamantasan ng tunay na buhay
ang siyang sa kanila'y gumagabay

kaygaling at batay sa karanasan
yaong turo nila sa sambayanan
kaya kami'y maraming natutuhan
hinggil sa kalagayan ng lipunan

guro namin sa tulay ng Mendiola
ay pawang sanay sa pakikibaka
ang turo'y pagbabago ng sistema
nang mapalaya ang masa sa dusa

kayganda ng kanilang adhikain
kaya ito ang tangi kong tagubilin
nawa'y di manghinawa sa tungkulin
at magpatuloy sila sa gawain

Sa harap ng bandilang pula

SA HARAP NG BANDILANG PULA
ni Greg
9 pantig

ako noon ay sumumpa na
sa harap ng bandilang pula
na tuloy ang pakikibaka
laban sa bulok na sistema

kaya tayo'y walang iwanan
ang sa bandila'y sinumpaan
babaguhin itong lipunan
at ang sistema'y papalitan

panghawakan natin ng todo
nang talagang tagos sa buto
ang paniniwala't prinsipyo
para sa mithing pagbabago

buhay man ang ating ialay
ito'y gagampanan ng husay

Tungkulin

TUNGKULIN
ni greg bituin jr.
14 pantig

may dalawa tayong tungkuling pagpipilian
na sa mundong ito'y dapat isakatuparan

ang maging makasarili o para sa bayan
maging gahaman o maging makamamamayan

kung sarili lang natin ang pakaiisipin
ay wala tayong pakialam sa kapwa natin

kahit may naghihirap di sila papansinin
di tulad ng may pakialam sa bayan natin

ang may pakialam ay nag-iisip kung paano
sila makatulong sa kanilang kapwa tao

ihatid ba sila sa landas ng kabutihan
o ibulid sila sa bangin ng kasamaan

ngunit mas magandang pamana natin sa masa
ay dangal at patuloy nating pakikibaka

na tulungan sila patungo sa kalayaan
at ilayo sila sa dusa ng kahirapan

Panahon na naman ng mga buwitre

PANAHON NA NAMAN NG MGA BUWITRE
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

naglipana na naman ang mga buwitre
nag-aastang sila't tulad ng kalapati
kunwari'y nakikinig na ang mga bingi
at nangangakong sa masa na'y magsisilbi

huhubarin ang mamahalin nilang saplot
mukhang basahan ang kanilang isusuot
para daw mga dukha'y kanilang maabot
ngingiting pilit kahit nais sumimangot

dahil kailangan ng buwitre ng boto
upang sa kagubatan sila na'y manalo
at magpapakabundat muli silang todo
habang likas-yaman ay inuubos nito

pabayaan ang uwak na sila'y ihalal
ngunit huwag ipanalo ang mga hangal
ipakitang kalapati'y may angking dangal
buwitre'y ibagsak sa gubat na masukal

Bagong Petsa, Lumang Sistema

BAGONG PETSA, LUMANG SISTEMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

umalis na ang matanda upang di na bumalik
sa kanyang panahon pangyayari'y kahindik-hindik
narito na ang sanggol na bagong tinatangkilik
dala ang bagong pag-asa na ating hinihibik

ang matanda'y lumisan at ang sanggol ay dumating
nagbago ang petsa, dala'y lumang sistema pa rin
sistemang nakasusulasok na dapat pawiin
sa bagong taon, itong dapat nating pursigihin

iniwan ng matanda ang kayraming kahirapan
pati na matitinding pangyayari sa lipunan
ang sanggol ay itong siyang kakaharapin naman
kaya harapin niya ito ng may katatagan

sa pag-asa at bagong hamon tayo'y nahaharap
upang pag-alabin ang puso't diwa ng mahirap
tuluyang durugin ang mga trapong mapagpanggap
at maitayo ang pantay na lipunang pangarap

hayaan natin ang matanda sa kanyang paglayo
na dala sa mundo'y problema't pawang pagkabigo
salubungin ang sanggol ng may pag-asa sa puso
na ang lumang sistema'y unti-unti nang gumuho