Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
“I wish it need not have happened in my time," said Frodo.
"So do I," said Gandalf, "and so do all who live to see such times. But that is not for them to decide. All we have to decide is what to do with the time that is given us.”
― J.R.R. Tolkien, Lord of the Rings
Nais kong lumikha ng nobelang tulad ng Lord of the Rings ni J.R.R. Tolkien. Subalit gamit ang mga karakter sa mitolohiyang Pilipino.
Mabuti't nabili ko sa murang halaga ang ikatlong aklat ng tatlong seryeng Lord of the Rings ni J.R.R. Tolkien - ang Return of the King. Nagsimula iyon sa pahina 747, sa Book Five, at nagtapos sa pahina 1178, Book Six. Ibig sabihin, nasa unang dalawang aklat (The Fellowship of the Rings, at Two Towers) ang mulâ pahina 1 hanggang pahina 746, kung saan naroon ang Book One hanggang Book Four.
Isa itong pagbabakasakali. Pag nagustuhan ng mambabasa at naging mabenta ang aklat, baka kumita ng limpak na salaping maaaring maging pambayad sa milyong utang. Pagbabakasakaling magawâ ang pinapangarap kayâ dapat ituloy at pagsikapan ang balaking ito. Oo, ito'y isang pagbabakasakali.
Sa ngayon, binabasa ko ang aklat. Napanood ko na sa sinehan noon ang tatlong serye ng Lord of the Rings. Kayâ kahit hindi ko pa nabasa ang una't ikalawang aklat at bigla na lang lumaktaw sa ikatlong aklat, patuloy lang ang pagbabasa. Saka na basahin ang iba pa pag may nabiling kaya ng bulsa.
'Yung pangatlong aklat lang kasi ang meron sa nabilhan kong bookstore, at mura kong nabili, kaya tiyaga lang. Sa ibang book store ay mahal ang aklat kaya hindi ko mabili.
Ang mahalaga ngayon ay matutunan ko ang estilo ng pagsulat ni J.R.R. Tolkien, ang pagbabanghay, ang mga diyalogo, ang kanyang malikhaing paglalarawan, at pagkukwento.
Mabuti't nakabili rin ako ng aklat na "Mga Kagila-gilalas na Nilalang" ni Edgar Calabia Samar. At ang ilan sa mga karakter doon ang nais kong maging tauhan sa naiisip kong kwento o nobela. O maaari rin akong lumikha ng ibang karakter na wala pa sa mga aklat o komiks.
Subalit naroon pa rin ako sa prinsipyong walang isang bida sa aking mga kwento kundi ang bida ay ang taumbayan. Tulad ng karanasan sa People Power, na taumbayan ang dahilan kayâ iyon nagtagumpay. Walang hari. Walang kaharian kundi malayang bayan.
Kailangang paganahin ang harayà o imahinasyon upang makalikha ng kwento ng mga pakikipagsapalaran ng mga tauhan. Kailangang mag-umpisa kahit sa isang pangungusap muna hanggang maging talatà. Hanggang makathâ ang unang tatlo o limang talatà. Hanggang maging unang kabanatà.
Hanggang makathâ ang iba pang kabanatà. Hanggang matapos ang nobela. Matagal na panahon ang kailangan subalit nais kong matapos ito sa lalong madaling panahon. Saka pag-isipan paano iyon malalathalà.
Nawa'y masigasig ko itong magampanan at maisulat sa pamamaraang kaaya-aya sa mga mambabasa. Nawa'y maging matagumpay ako sa larangang ito.
Ako'y isang makatang nais maging nobelista
kaya sa ngayon ay patuloy pa ring nagbabasa
ng mga akdang sadyang tumatak sa mambabasa
nagbabakasakaling makagawa ng nobela
Nagbabakasakali dahil sa maraming utang
pagiging malikhain nawa'y maging kaganapan
bakasakaling pag ang madla'y tinangkilik naman
ang kathang nobela, mga utang ko'y mabayaran
Kaya sana'y mapasigla't gumana ang harayà
na mabayaran ang milyong utang yaong adhikà
lalo na't pagsusulat yaring kasanayang sadyâ
sana'y magbunga ng tagumpay ang pagtitiyagâ
O, mambabasa, sana po ay tangkilikin ninyo
ang aking magiging nobela pag nasulat ito
pagkat kayo lamang ang tangi kong kakampi rito
ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ako
01.31.2026






















































