Huwebes, Pebrero 6, 2025

Tala, tela, tila, tola, tula

TALA, TELA, TILA, TOLA, TULA

tala - kahulugan ay bituin at lista
itala mo sa kwaderno ang iyong ruta
isinulat ko ang nasa aking memorya
na baka sa kasaysayan ay mahalaga

tela - ito ang anumang hinabing hibla
ng mahimaymay na bagay tulad ng seda
tinatahi tulad ng t-shirt, polo't saya
na isinusuot pananggalang ng masa

tila - pagtigil ng ambon, ulan o bagyo
o singkahulugan ng mistula, animo
tila ba ako'y matikas na kabalyero
sa isang himagsikang dapat ipanalo

tola - ito pala'y nahihinggil sa butlig
na sa mga bata'y namumuo sa bibig
pag-unat din sa nakabaluktot na bisig
salitang ugat din ng tinola kung ibig

tula - madalas gawin ng abang makata
na sa araw at gabi ay katha ng katha
nginunguya ang samutsaring isyu't paksa
ng anuman, lipunan, kalikasan, dukha

- gregoriovbituinjr.
02.06.2025

* krosword mula sa pahayagang Bulgar, Enero 29, 2025, p.11
* kahulugan ng tola - mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1265

Sa hagdanan kong aklat

SA HAGDANAN KONG AKLAT

sa aking pagbabasa
ako'y nakapupunta
sa bansang iba't iba
kahalubilo'y masa

taos pasasalamat
sa hagdanan kong aklat
pagkat nadadalumat
mga paksang nagkalat

tara, kaibigan ko
galugarin ang mundo
tara, maglakbay tayo
at magbasa ng libro

salamat sa hagdanan
kong aklat, sambayanan
ay ating bahaginan
ng tamong karunungan

- gregoriovbituinjr.
02.06.2025

* litrato mula sa google

Miyerkules, Pebrero 5, 2025

Ang nawawalang taludtod sa tulang "Engkantado" ni Jose Corazon de Jesus

ANG NAWAWALANG TALUDTOD SA TULANG "ENGKANTADO" NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong isyu ng Liwayway, Nobyembre 2024, pahina 96, ay muling nalathala ang tulang "Enkantado" ni Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, ang unang hari ng Balagtasan. Unang nalathala iyon sa Liwayway noong Hulyo 14, 1923, isandaan at isang taon na ang nakararaan.

Agad ko namang hinanap ang dalawa kong edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula" sa pagbabakasakaling bagong saliksik iyon na wala sa nasabing aklat. Subalit naroon sa dalawang edisyon ang nasabing tula. Ang pamagat ay "Engkantado" na may g.

Ang nasabing tula'y nasa pahina 24-25 ng unang edisyon ng aklat, na unang nilathala ng Aklat Balagtasyano noong 1984 at muling nilathala ng De La Salle University Press noong 1995. Ang unang bersyon ay may 131 tula.

Nasa pahina 64-65 naman ng "Binagong Edisyon" ang nasabing tula, na inilathala naman ng San Anselmo Press nitong 2022. Naglalaman iyon ng 112 tula. Nasulat ko na sa isa pang artikulo na nabawasan ng labingsiyam na tula ang edisyong ito ng aklat.

Si Huseng Batute ay batikan na sa pagsusulat ng tulang may sukat at tugma. Subalit sa pagsusuri sa nasabing tula, kapuna-puna na nawala ang isang taludtod sa dalawang aklat na nilathala ng editor na si Virgilio Almario. Kaya mapapansing pito ang taludtod sa unang saknong habang walong taludtod naman sa ikalawa hanggang ikalimang saknong.

Nakita natin ang nawawalang isang taludtod sa magasing Liwayway sa isyung Nobyembre 2024. Kaya sumakto nang tigwawalong taludtod ang limang saknong. Ang unang dalawang taludtod ay tigaanim na pantig habang ang ikatlo hanggang ikawalong saknong ay tiglalabindalawahing pantig.

Sa orihinal ay walang bilang ng taludtod na naka-Roman numeral, habang sa Liwayway ay mayroon. Dagdag pa, mukhang naghalo ang nawawalang taludtod sa isa pa, na nasa unang saknong. Sa aklat ni Almario ay ganito:

May mga pakpak pa't nangagkikisapan

Habang sa muling inilathala ng Liwayway:

May mga pakpak pa't nangagsasayawan,
May tungkod na gintong nangagkikisapan

Bakit kaya nakaligtaan ni Ginoong Almario na sipiin ang taludtod na nawawala? O iyon ay dahil sa pagkapagod at pagmamadali? 1984 pa iyon unang nalathala. At naulit muli iyon sa ikalawang edisyon ng aklat nitong 2022. Sana'y maitama na ito sa ikatlong edisyon.

Gayunman, maraming salamat sa Liwayway at natagpuan ang nawawalang taludtod.

Dagdag pa, ang salitang "nangagkikisapan" sa unang edisyon at sa Liwayway ay naging "nangagkikislapan" sa ikalawang edisyon ng aklat. Iba ang kisap sa kislap. Alin ang tama, o alin ang ginamit ni de Jesus?

Isa pa, ang salitang "tiktik" sa ikatlong saknong, ikaapat na taludtod, sa dalawang aklat ni Almario, ay "titik" naman ang nakasulat sa muling lathala ng Liwayway. Batid natin iba ang "tiktik" na maaaring mangahulugang uri ng ibon na ang huni umano'y nagbabadyang may aswang sa paligid, o pagkaubos hanggang sa huling patak, o kaya'y espiya (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, 1253). Ang "titik" naman ay letra. Alin ang ginamit ni de Jesus?

Maliit na isyu na lamang ang mga typo error, kung meron nga. Tulad ng salitang "nar'on" sa ikalimang saknong, ikaapat na taludtod sa dalawang aklat ni Almario, ay naging "naron" sa Liwayway. Pati ang salitang "k'weba" sa aklat ni Almario ay naging kueba sa Liwayway sa gayong saknong din. Typo error ba kaya iwinasto ni Almario? At pinanatili ba ng Liwayway kung paano iyon nalathala noon, o kung paano isinulat ni de Jesus?

Halina't basahin natin ang buong tula, habang ang nasa panaklong ang nawawalang taludtod, na natagpuan natin sa Liwayway:

ENGKANTADO
ni Jose Corazon de Jesus

Ang plautang kristal
Ay aking hinipan
At ang mga ada ay nangaglapitan
May mga pakpak pa't (nangagsasayawan,
May tungkod na gintong) nangagkikisapan;
Sa adang dumating sa aking harapan,
Na nagsisipanggaling sa kung saan-saan,
Ang di ko nakita'y tanging ikaw lamang!

Ang nakar kong singsing
Ay aking sinaling
At ang mga nimpa ay nangagsirating,
May mga koronang liryo, rosa't hasmin,
Sapot ng gagamba ang damit na angkin.
Sa nimpang dumalo't bumati sa akin,
Tanging ikaw lamang ang di ko napansin,
Diwatang nagtago sa aking paningin.

Sa lungkot ko'y agad
Na kita'y hinanap!
Sandalyas kong gintong sa dulo'y may pakpak
At isinuot ko nang ako'y ilipad...
Aking kinabayo ang hanging habagat
At ginawang tiktik ang lintik at kidlat.
Natawid ko naman ang lawak ng dagat
At aking narating ang pusod ng gubat.

Ang espadang apoy
Ay tangan ko noon:
At tinataga ko ang buong maghapon,
At hinahawi ko ang bagyo't daluyong.
Hinukay ang lupa, wala ka rin doon,
Biniyak ang langit, di ka rin natunton.
Wala kahit saan, saanman magtanong,
Ikaw kaya giliw ay saan naroon?

Subalit sa isang
Madilim na kueba
Ng bruha't demonyong nagsasayawan pa,
Nar'on ka, may gapos... Sa apoy, nar'on ka!
Ang singsing ko'y biglang kiniskis pagdaka't
Ang buong impierno sa sangkisapmata
Ay naging palasyong rubi't esmeralda,
Niyakap mo ako at hinagkan kita.

02.05.2025

Ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista

ANG SINUMANG BAYANI'Y NAGSIMULANG AKTIBISTA

ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista
ipinaglaban ang kagalingan ng mamamayan
laban sa naghaharing burgesya't oligarkiya
ipinaglaban ang hustisya't paglaya ng bayan

di sila oo lang ng oo't tanggap ang tiwali
nais nilang maitama ang kalagayang mali
bawat pagpapasya nila'y pagbabakasakali
upang mabago lang ang sistemang nakamumuhi

kaapihan ng bayan ay nilarawan sa Noli
at Fili kaya namulat ni Rizal ang marami
dahil doon inakusahan siyang nagrebelde
sa Espanya, binaril sa Bagumbayan, bayani

pinangunahan ni Bonifacio ang Katipunan
at naitatag ang bansa nang sedula'y pinunit
na simula ng himagsikan tungong kalayaan
subalit siya'y pinaslang pati kanyang kapatid

ang misyon niya'y itinuloy ni Macario Sakay
kapanalig ng Katipunan, talagang mahusay
sumuko sa Kano para sa Asembliyang pakay
kasama si Lucio De Vega, sila ay binitay

si Jose Abad Santos, ayon sa kwento ng anak
ay naging tapat sa bayan, pinugutan ng Hapon
kayrami pang lumaban, gamit ma'y pluma o itak
aktibista silang paglaya ng bayan ang misyon

taospusong pagpupugay sa bawat aktibista
na lumaban sa pang-aapi't pagsasamantala
kumikilos upang itayo'y pantay na sistema
isang lipunang manggagawa, gobyerno ng masa

- gregoriovbituinjr.
02.05.2025

Pananghalian

PANANGHALIAN

payak lang ang pananghalian
ginisang sardinas na naman
pagkain ng nagmamakata
matapos magmuni't tumula

kahit papaano'y nabusog
sa ulam na may konting sahog
na kamatis, bawang, sibuyas
upang katawan ko'y lumakas

tara, kain tayo, katoto
ulam ko man ay di adobo
mabuti't may pagkaing sapat
na dapat ipagpasalamat

ginisang sardinas mang ulam
ngunit sadyang nakatatakam

- gregoriovbituinjr.
02.05.2025

Ginahasa ng parak

GINAHASA NG  PARAK

isang babae ang pinagsamantalahan
ng isang pulis, ito na'y dinisarmahan
at tinanggalan ng tsapa, mabuti na lang
krimeng nagawa'y dapat niyang panagutan

isa pa naman siyang alagad ng batas
sa pakikitungo sa kapwa'y di parehas
anong nasok sa isip at naging marahas
nang dahil sa kalibugan ay naging hudas

sapilitan daw na pinainom ng droga
ang babae at sa isang bukid dinala
at doon hinalay ang kawawang biktima
ngayon, nasa ospital nang dahil sa trauma

dininig daw ay kasong administratibo
laban sa suspek, bakit ganoon ang kaso?
dapat kasong kriminal ang isampa rito
pagkat nanggahasa ang suspek, krimen ito

dahil ba siya'y pulis na may sinasabi?
parak na parang lumalapa lang ng karne
dapat lang managot ang pulis na salbahe
at bigyang hustisya ang kawawang babae

- gregoriovbituinjr.
02.05.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Pebrero 4, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Martes, Pebrero 4, 2025

Ang punong apalit

ANG PUNONG APALIT

Labing-isa Pahalang - ang tanong:
Puno na ginagawang pabango
Apalit ang lumabas na tugon
na kapangalan ng bayan ito

sa Pampanga, may bayang Apalit
baka doon iyon pinangalan
pagkat kayraming punong apalit
na kinabuhay ng mamamayan

tulad ng Calumpit sa Bulacan
bunga ng kalumpit ay malasa
nabatid ko iyon sa Balayan
sa Batangas, na tanim ng lola

kayraming pinangalan sa punò
tulad ng Apalit at Calumpit
na pangalan ay doon hinangò
kaya sa krosword, di na sumirit

- gregoriovbituinjr.
02.04.2025

* krosword mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 4, 2025, p.7
* apalit - punungkahoy (genus Santalum) na mabango, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 65

Panaginip at alalahanin

PANAGINIP AT ALALAHANIN

madaling araw, madilim pa ang paligid
anong lamig na amihan ang inihatid
nagising sa gunitang di mapatid-patid
sa mata animo'y may luhang nangingilid

tila nalunod sa dagat, habol hininga
bunga ba iyon ng panaginip kanina
o iyon ay suliraning nasa dibdib na
habang sa isip may pag-asang nababasa

madaling araw, nais ko muling lumipad
na sa lupa mga paa'y di sumasayad
tawirin ang bundok o saanman mapadpad
habang natatanaw ang iba't ibang pugad

tahimik, dumaang awto lang ang maingay
bagamat dama sa puso ang dusa't lumbay
tanging nagagawa pa'y ang magnilay-nilay
at sa pagkatha ng kwento'y magpakahusay

- gregoriovbituinjr.
02.04.2025

Lunes, Pebrero 3, 2025

Mas makapal ang balat ng trapo

MAS MAKAPAL ANG BALAT NG TRAPO

kaytinding banat ni Pooroy sa komiks
siya'y para ring environmentalist
endangered na raw ang mga buwaya
ngunit corrupt politicians ay di pa

balat daw ng buwaya ay makapal
magandang pangsapatos, magtatagal
mas maganda raw ang balat ng trapo
mas makapal, di pa endangered ito

kung babasahin mo'y pulos patama
di lang patawa, mayroong adhika
ang masapol kung sinong masasapol
marahil pati sistemang masahol

natawa man tayo ngunit mabigat
totoo sa buhay ang kanyang banat

- gregoriovbituinjr.
02.03.2025

* mula sa pahayagang Remate, Pebrero 3, 2025, p.3

Resign All!

RESIGN ALL!

dalawang pangunahing pinuno, panagutin!
nagbabalik sa alaala ang nakaraan
nang Resign All ay isinisigaw ng mariin
ng masang umaayaw na sa katiwalian

noon, tanda ko pa, patalsikin ang buwaya
papalit ang buwitre! kaya sigaw: Resign All!
ngayon, dalawang lider dulot sa masa'y dusa
ang dapat nang panagutin ng bayan: Resign All!

badyet para sa karapatan sa kalusugan
ay tinanggal umano, nilagay pang-ayuda
ng mga trapong nais manalo sa halalan
badyet ng bayan, ginapang daw ng dinastiya

pondong milyones, labing-isang araw lang ubos
pati confidential fund, di maipaliwanag
sa bayan kung paano ginamit at ginastos
bayan ba'y mananahimik lang? di ba papalag?

papayag pa ba tayong ganyan ang namumuno?
sa katiwalian na'y talamak at masahol
aba'y wakasan ang ganyang klaseng pamumuno
ay, ang sambayanan ba'y muling magpapabudol?

- gregoriovbituinjr.
02.03.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang rali ng sambayanan sa Edsa noong Enero 31, 2025

Linggo, Pebrero 2, 2025

Maganda ang kayumanggi

MAGANDA ANG KAYUMANGGI

maganda ba ang maputi?
kahit pangit ang ugali
pangit ba ang kayumanggi?
na kutis ng ating lahi

di tayo Amerikano
o kaya'y Yuropeyano
tayo nga'y mga Asyano
taga-Pinas na totoo

kaya bakit yuyurakan
ang ating balat, kabayan
kahit kutis natin naman
kayumangging kaligatan

ang kayumanggi'y maganda
lalo't dalagang morena
di ang maputing artista
na madrasta kung umasta

sa puti'y huwag mawili
lalo't mga mapang-api
baka tayo ay magsisi
pagsisisi'y nasa huli

- gregoriovbituinjr.
02.02.2025

Ang punò ng Elena ay Ipil

ANG PUNÒ NG ELENA AY IPIL

batid ko na noong ako'y bata pa
na ang puno ng Ipil ay Elena
narinig ko sa nayon ng Sampaga
sa Batangas, lalawigan ni ama

hanggang nakita sa palaisipan
nasa Dalawampu't Apat Pahalang
Punong Santa Elena'y katanungan
binilang ko, apat na titik lamang

akala ko'y santo, di pala, punò
aba'y Ipil ang agad kong nahulô
buti't salitang ito'y di naglahò
kaya krosword ay nasagot kong buô

sa palaisipan nga'y nawiwili
at utak ay nahahasang maigi
nilalaro ko sa araw at gabi
pag pahinga't libangin ang sarili

- gregoriovbituinjr.
02.02.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 2, 2025, p.7

Paglutas sa suliranin ng bayan

PAGLUTAS SA SULIRANIN NG BAYAN

kayraming suliranin ng bayan
na dapat mabigyang kalutasan
kayraming masang nahihirapan
pagkatao pa'y niyuyurakan

habang bundat ay humahalakhak
trapong ganid ay indak ng indak
oligarkiya pa'y nanghahamak
dukha'y pinagagapang sa lusak

dinastiya'y dapat nang lipulin
lalo ang oligarkiyang sakim
pati trapong ang ngiti'y malagim
kaya lipunan ay nagdidilim

organisahin ang manggagawa
sila ang hukbong mapagpalaya
uri silang sa burgesya'y banta
ngunit kakampi ng kapwa dukha

ganyang sistema'y di na malunok
ang dukha'y di dapat laging lugmok
ibagsak ang mga nasa tuktok
baguhin na ang sistemang bulok

- gregoriovbituinjr.
02.02.2025

Sabado, Pebrero 1, 2025

Ang punò

ANG PUNÒ

kaysarap pagmasdan ng punong nadaanan
ang lilim niya'y pag-asang dulot sa tanan
marami siyang naitutulong sa bayan
malinis na hangin at bungang kailangan

halina't pagmasdan ang kanyang mga ugat
at tiyak, marami tayong madadalumat
anya, magpakumbaba kahit umaangat
anya pa, linisin ang basurang nagkalat

sa ilalim ng puno'y kaysarap magpulong
kasama ang dukhang sa hirap nakabaon
talakayin kung paano makakaahon
sa hirap o marahil ay magrebolusyon

ang puno ay kapara rin ng mga tao
bata pa'y inaalagaan nang totoo
hanggang magdalaga o magbinata ito
pitasin at kainin yaong bunga nito

halina't magtanim tayo ng mga punò
sa parang, sa kabundukan, saanmang dakò
at diligan natin ng tubig, luha't pusò
hanggang bagong kagubatan yaong mahangò

- gregoriovbituinjr.
02.01.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa isang mapunong lugar sa UP Diliman

Lakad-lakbay

LAKAD-LAKBAY

oo, lakad lang ako ng lakad
kung saan-saan din napapadpad
lakad lang, pagninilay ang hangad

buti't di nasasagi ng awto,
ng dyip, bus, trak, taksi, motorsiklo
o ng anumang sasakyan dito

anong hirap kung magkakapilay
lalo't madalas tulalang tunay
dahil sa panay na pagninilay

kapara ko'y si Samwel Bilibit
di naman siya Samwel Bilibid
na sa Muntinlupa nakapiit

aba'y lakad lang sa pupuntahan
na ehersisyo na ng katawan
bilin sa sarili ay: Ingat lang!

- gregoriovbituinjr.
02.01.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa lansangan palabas ng UP Diliman

Ang mga pakpak nina Daedalus at Icarus

ANG MGA PAKPAK NINA DAEDALUS AT ICARUS

kung nais mong maabot / ang langit sa paglipad
iwan ang mga bagay / na sa iyo'y pabigat
patibayin ang bagwis / upang sa pagpagaspas
ay di masira, baka / tuluyan kang bumagsak

may alamat nga noon / na batid ko pang lubos
hinggil sa kanaisan / ng amang si Daedalus
na gumawa ng pakpak / na talagang maayos
kasama'y kanyang anak / na ngalan ay Icarus

gawa ang pakpak mula / pagkit at balahibo
nais nilang takasan / ang piitan sa Creto
habang bilin ng ama'y / huwag taasang todo
ang paglipad, sa araw / matunaw na totoo

subaiit di sinunod / ni Icarus ang ama
sa taas ng paglipad / ay bumulusok siya
pagkat pagkit sa pakpak / ay natunaw talaga
at kamatayan niya'y / natamo kapagdaka

- gregoriovbituinjr.
02.01.2025

* litrato mula sa google