Huwebes, Mayo 30, 2019

Walang matuluyan, mawalang tuluyan

WALANG MATULUYAN, MAWALANG TULUYAN
(tula sa International Week of the Disappeared)

mas mabuti pang ako'y walang matuluyan
kaysa naman tulad ko'y mawalang tuluyan
kung walang matuluyan, mag-ingat sa daan
mahirap nang mawala't madukot ng halang

Daigdigang Linggo ng Desaparesido
ay ating gunitain ngayong linggong ito
nawa mahal nila'y matagpuang totoo
at kanilang kamtin ang hustisya sa mundo

sa huling linggo ng Mayo ginugunita
itong linggo ng sapilitang pagkawala
paghanap sa kanila'y walang patumangga
ang sakit na nadarama'y tila ba sumpa

nawa'y matapos na ang pasakit at dusa
pagkat mahal sa buhay ay natagpuan na

- gregbituinjr./05/30/2019

Linggo, Mayo 26, 2019

Pagkabulag

PAGKABULAG

nabubulag ba tayo sa sariling pagkabulag
o nananatili tayong nagbubulag-bulagan
o mas pinili nating maging bulag kaysa banlag
o ang nangyari'y naging bulag sa buhay na hungkag

bakit nagbubulag-bulagan sa ating paligid
di ba't ang ating kapwa-tao'y atin ding kapatid
ibon, isda, hayop, puno, halaman ay di lingid
na kasama sa daigdig, may pag-ibig ding hatid

anang isang awit: "Masdan mo ang kapaligiran"
kung may mata ka, ang ganda ng paligid ay masdan
pakasuriin mo ang lipunang kinalalagyan:
bakit dukha'y milyun-milyon, mayaman ay iilan?

tayo'y walang giya sa mata tulad ng kabayo
na nilalandas lang kung anong mando ng kutsero
alin ba sa titig ng banal o sulyap ng tukso
ang pipiliin kung kaharap mo'y santo't agogo?

- gregbituinjr.

Sabado, Mayo 18, 2019

Soneto sa kaarawan ng dalawang magigiting na lider ng masa

SONETO SA KAARAWAN NG DALAWANG
MAGIGITING NA LIDER NG MASA

Maligayang kaarawan sa dalawang magaling
Na lider ng pakikibaka't sadyang magigiting
Humaba pa ang buhay nila'y tangi naming hiling
Maging malakas pa sila lalo't masa'y kapiling

Lider nating Pedring Fadrigon at Tita Flor Santos
Sa maraming isyu ng masa'y talagang kumilos
Ibinigay ang panahon at nakibakang lubos
Upang maralita'y di na basta binubusabos.

Sa inyo, Tita Flor Santos at Ka Pedring Fadrigon
Kasama ng masa sa pagharap sa mga hamon
Sa marami sa amin, tunay kayong inspirasyon
Tunay na kasama sa pagbabago't rebolusyon

Nawa'y magpatuloy sa adhikang nasimulan
At muli, pagbati ng maligayang kaarawan!

- gregbituinjr.,05/18/2019

Huwebes, Mayo 16, 2019

Hindi natin kailangan ng amo

HINDI NATIN KAILANGAN NG AMO

"Kailangan ako ng amo ko," sabi mo noon
Hanggang ikaw ay lumisan at nagtrabaho doon
Inuna ang pamilya upang may maipanglamon
Dapat kumayod ng husto, walang baka-bakasyon.

Ganyan nga sa araw-araw ang ating ginagawa
Laging nagkakayod-kalabaw tayong manggagawa
Upang magpatuloy ang kumpanyang tuso't kuhila
Kontrakwal man at karampot na sahod ang mapala.

May hukbo kasing walang trabaho, mga karibal
Parang agawang buko, di ka basta makaangal
Pag nagreklamo, turing sa iyo'y parang kriminal
Pag di ka nagreklamo, para kang robot na hangal!

Di naman talaga natin kailangan ng amo
Basta gawin natin ang napag-usapang trabaho
Di alipin ngunit kailangan natin ng sweldo
Kaya para sa pamilya'y kumakayod ng husto.

Di tayo mamamatay kung mga amo'y mawala
Dahil sa manggagawa kaya sila pinagpala
Hindi sila mabubuhay kung obrero'y mawala
Pagkat pabrika o kumpanya'y di tatakbong kusa.

Oo, sila lamang ang may kailangan sa atin
At kailangan nila ang lakas-paggawa natin
Subalit kung tayo lang ay tapat na tatanungin
Di natin kailangan ng amo, iya'y isipin!

- gregbituinjr.

Kumilos kasama ng masa

Kung nais mong tulungan ang "masa" at manalo sa simpatiya at suporta ng "masa," hindi ka dapat matakot sa mga kahirapan, o sakit, panlilinlang, insulto at pag-uusig mula sa "mga pinuno," ngunit dapat ganap na kumilos kung saan matatagpuan ang masa.
~ Lenin, Kaliwang Panig na Komunismo: Sakit ng Musmos (1920)

KUMILOS KASAMA NG MASA

"para sa masa", iyan ang bukambibig ng trapo
"makamahirap ako," ang sambit ng pulitiko
ngunit una sa pulitiko'y kanilang negosyo
sa aktwal ay di nakikitang nagpapakatao

ani Lenin, kung ang masa'y nais nating tulungan
huwag katakutan ang sakripisyo't kahirapan,
ni ang sakit, panlalansi't panghahamak ninuman
ngunit kumilos saanman ang masa matagpuan

sa pagnanasang baguhin ang bulok na sistema
di ba't dapat makasama ang milyun-milyong masa
na pangungunahan ng manggagawa't magsasaka
na mapalitan ang sistemang burgis-elitista

ayaw na nating umiral pa ang sistemang bulok
tandaan natin ang sabi sa awit na "Tatsulok":
"hustisya'y para lang sa mayaman", di ko malunok
kaya maghanda sa panibagong pakikihamok

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 8, 2019

Sariling kaligtasan lang ba o kaligtasan ng lahat?

SARILING KALIGTASAN LANG BA O KALIGTASAN NG LAHAT?

kapag minamaneho mo ba ang isang sasakyan
ang naiisip mo lang ba'y ang iyong kaligtasan
di ba't iniisip mo rin ang ibang nakalulan
kapamilya, kapuso, di-kakilala, sinuman

pag nagkasunog, nauuna tayo sa bumbero
sa pagkuha ng tubig, aba'y tulong-tulong tayo
at di mo lang sariling bahay ang ililigtas mo
kundi bahay ng kapwa mong di mo kaanu-ano

tulad mo, bilang mamamayan, anong nasa diwa
sariling kaligtasan lang ba't iba'y balewala?
pag sinakop na ba ng Tsina'y mangingibang-bansa?
o sama-sama tayong lalaban upang lumaya?

mahirap magpabaya't isipin lang ang sarili
lalo't kapwa'y binabalewala, animo'y tigre
di ba't takot matuklaw ng ahas ang mga bibi
huwag patulog-tulog baka masila ng bwitre

walang mawawala sa pakikipagkapwa-tao
ngunit di tayo payag apak-apakan lang tayo
sama-sama nating ipagtanggol ang bansang ito
ito ang tahanan natin, tirahan nati'y dito

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 1, 2019

Tula sa Mayo Uno

TULA SA MAYO UNO

kapitbisig na nagmartsa ang mga manggagawa
tila di napapagod sa lakarang anong haba
habang isa'y humihiyaw ng: "uring manggagawa!"
at ang iba'y sasagot ng: "hukbong mapagpalaya!"

pinagdiriwang nila ang dakilang Mayo Uno
na sa kasaysaya'y punung-puno ng sakripisyo
habang taas-kamaong inaawit ng obrero
ang Internasyunal, kantang tagos sa pagkatao

makabagbag-damdaming awit sa dakilang araw
ng mga manggagawang may pag-asang tinatanaw
mababago rin nila ang lipunan balang araw
pag nawasak ang sistemang may tarak ng balaraw

wawakasan na nila ang pribadong pag-aari
pagkat dahilan ng pagsulpot ng maraming uri
na dulot ay pagsasamantala't pagkukunwari
at lipunan ng manggagawa ay ipagwawagi

- gregbituinjr.