Lunes, Abril 7, 2025

Biktima'y dalawang bata

BIKTIMA'Y DALAWANG BATA

sa magkaibang balita
biktima'y dalawang bata
imbes na kinakalinga
ay ginawan ng masama

edad dalawa, pinaslang
ng stepdad, puso'y halang
edad apat pa'y pinaslang
mga kawawang nilalang

nangyari'y bakit ganito
pinaslang silang totoo
ng mga hangal sa mundo
mental health problem ba ito

bata'y sa bugbog namatay
aba'y sinaksak pang tunay
isa'y ginulpi't kinagat
ganito'y di madalumat

Mental Health Act ba'y ano na?
may nagawa ba talaga?
nasabi ko lang: HUSTISYA
para sa mga biktima!

- gregoriovbituinjr.
04.07.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 6, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Tangi kong asam

TANGI KONG ASAM

tinitigan kita nang matagal
habang nakaratay sa ospital
hanggang ngayon ay natitigagal
loob ko'y di mapanatag, mahal

nakatitig sa iyong paghimbing
inaasam ko't tangi kong hiling
ay ang iyong agarang paggaling
upang kita'y muling makapiling

hinawakan ko ang iyong kamay
di mahigpit kundi malumanay
narito lang ako't nakabantay
bagamat di pa rin mapalagay

sana'y mapakinggan yaring samo
na muli ay magkasama tayo
hiling ko'y gumaling kang totoo
at mabigyang lunas ang sakit mo

- gregoriovbituinjr.
04.07.2025

Linggo, Abril 6, 2025

Dalawang aklat na pumapaksa sa kalusugan

DALAWANG AKLAT NA PUMAPAKSA SA KALUSUGAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pagkagaling ko sa ospital kanina nang dinalaw ko si misis na nakaratay sa banig ng karamdaman, ako'y lumisan doon bandang tanghaliang tapat.

Mula sa ospital ay sumakay na ako ng dyip puntang Gateway sa Cubao. Naglakad hanggang makarating sa Book Sale sa gilid ng Fiesta Carnival. Pumasok ako doon at agad na bumungad sa akin ang aklat na "40 Days of Hope for Healthcare Heroes" ni Amy K. Sorrells, BSN, RN. Ang RN ay registered nurse.

Naintriga ako sa mga salitang "Healthcare Heroes" lalo na't nasa ospital si misis na pinangangalagaan ng mga doktor at nars.

Isa pang aklat ang nakatawag pansin sa akin dahil sa nakasulat na A. Molotkov Poems, at agad isinama ko sa binili dahil bilang makata, nais kong basahin ang mga tula ng di ko kilalang awtor. Pag-uwi ko na sa bahay, saka ko na napansin ang pamagat, "Future Symptoms". Batid kong ang salitang symptoms ay may kaugnayan sa health o kalusugan.

Sa blurb nga sa likod ng aklat na ito ay nakasulat: In this stirring collection of poetry, A. Molotkov considers a country on the brink of collapse, plagued by virus and violence, haunted by history, asking of himself - and us - "How do I move / with my love / caught in concrete... How do I sing with all / this past / in my lungs?" Muli, tinukoy sa blurb ang dalawang salita: virus at lungs, na tumutukoy sa kalusugan at paghinga ng tao.

Ang "40 Days of Hope for Healthcare Heroes", may sukat na 5" x 7", at naglalaman ng 176 pahina (12 ang naka-Roman numeral), ay nagkakahalaga ng P130 habang ang "Future Symptoms: A. Molotkov Poems", may sukat na 6" x 9", at naglalaman ng 118 pahina, ay nagkakahalaga naman ng P70. Kaya bale P200 silang dalawa.

Marahil nga'y di ko bibilhin ang dalawang libro kung malakas si misis at wala sa ospital. Subalit nahikayat akong bilhin dahil sa kanyang kalagayan, at dahil na rin sa paksa hinggil sa kalusugan. Batid kong marami akong matututunan sa mga aklat na ito.

Nais ko silang basahin dahil sa isa na namang yugto sa buhay naming mag-asawa ang bumalik uli kami sa ospital. At ang mga librong ito'y tila ba nagbibigay sa akin ng pag-asa. Lalo na't noong panahon ng pandemya, maraming bayaning frontliners na dapat saluduhan.

pumapaksa nga sa kalusugan
ang dalawa kong nabiling aklat
na tagos sa puso ko't isipan
na talagang makapagmumulat

noong panahon pa ng pandemya
ang naririto nga'y pinapaksa
nars at doktor, bayani talaga
kinatha pa'y sanaysay at tula

bumulaga nga agad sa akin
sa Book Sale yaong nasabing libro
kaya di nag-atubiling bilhin
dagdag kaalaman pang totoo

"40 Days of Hope for Healthcare Heroes"
at "Future Symptoms: A. Molotkov Poems"
tiyak na maraming makakatas
pag binasa ko sa libreng oras

04.06.2025

Walang iwanan, O, aking sinta

WALANG IWANAN, O, AKING SINTA

ilang ulit na tayong naharap
sa anong tinding dagok ng palad
subalit tayo'y nagsusumikap
na pagsasama pa'y mapaunlad

sa altar noon tayo'y sumumpa
na walang iwanan, sa kabila
ng mga suliranin at sigwa
kasama sa hirap at ginhawa

tulad ngayon, nasa ospital ka
ginagawa ko ang lahat, sinta
ako ma'y naluluhang talaga
sa nangyayari sa iyo, sinta

di kita iiwan ang pangako
buong-buo ang aking pagsuyo
ang pag-ibig ko'y di maglalaho
sa problemang ito'y di susuko

sa pagsubok sana'y makalampas
sinta ko, ikaw ay magpalakas
mabibigyan ka ng tamang lunas
suliraning ito'y malulutas

- gregoriovbituinjr.
04.06.2025

Sabado, Abril 5, 2025

Ang aklat para sa akin

ANG AKLAT PARA SA AKIN

pagbili ng libro'y nakahiligan
sa bookstore o mga book festival man
tungkol sa kasaysayan, pahayagan,
tula, kwento, sanaysay, panitikan

dahil ako'y makata, manunulat
ng mga tula't kwentong mapangmulat
na pampanitikan ang binubuklat
sari-saring akda'y binubulatlat

may dyaryong Taliba ng Maralita
kung saan kwento ko'y nalalathala
mga pahayag ng samahan, tula
na nais kong maisalibro din nga

balak kong makagawa ng nobela
hinggil sa pakikibaka ng masa
wawakasan ang bulok na sistema
wawakasan ang pagsasamantala

pangarap kong maisaaklat iyon
isa iyan sa dakila kong layon
na burgesya'y sa lupa maibaon
lipunang asam ay itayo ngayon

- gregoriovbituinjr.
04.05.2025

Coed, nagpatiwakal

COED, NAGPATIWAKAL

bakit naisip magpatiwakal?
ng isang coed sa paaralan
mula ikaapat na palapag
siya'y tumalon, anong dahilan?

iniwan ba siya ng kasuyo?
at labis niyang dinamdam iyon?
pagsinta ba sa kanya'y naglaho?
aba'y anong sakit naman niyon!

sa eksam ba'y mababa ang grado?
nahihiyang di makapagtapos?
may mental health problem kaya ito?
na problema'y di matapos-tapos?

nagpapakamatay na'y kayrami
pangyayaring ganito'y kaylupit
nadagdagan pa ng estudyante
kahit may batas na sa Mental Health

- gregoriovbituinjr.
04.05.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 5, 2025, p.2
* Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Biyernes, Abril 4, 2025

Karahasan ng magulang sa mga anak

KARAHASAN NG MAGULANG SA MGA ANAK

sa dyaryong Bulgar, dalawang tampok na ulat
hinggil sa panggagahasa ng mismong tatay
sa mga anak, edad apat, labing-apat,
at labingsiyam, OFW ang nanay

edad siyam nama'y binubugaw ng ina
sa online, matatamong mo na lang ay bakit
dahil ba sa kahirapan ay gagawin na
upang magkapera'y ibubugaw ang paslit

sisisihin ba si Libog at Kahirapan
upang malusutan lang ang ginawang krimen
paglaki ng bata'y anong kahihinatnan
kung tatay mismo ang sa kanila'y umangkin

mapapaisip ka bakit ito nangyari
libog lang ba o may mental health problem ito
imbis mahalin, magulang mismo ang imbi
pag lumaki ang anak, kawawang totoo

- gregoriovbituinjr.
04.04.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 4, 2025, tampok na balita at pahina 2